Pagtataguyod ng Literasiya at Suporta sa mga Bata sa Pamamagitan ng Pangkomunidad na Adbokasiya
Inilathala: Nob 27, 2024 Oras ng pagbabasa: 4 minutoSa mga mahihirap pasukin na lugar sa Tawi-Tawi, nilalayon ng Tawi-Tawi Family Life Foundation Inc. (TFLF) na pagbutihin ang antas ng literasiya ng mga bata. Sa tulong ng aming pinansyal na suporta, ipinatupad ng TFLF ang isang proyekto sa literasiya para sa mga mag-aaral ng Badjao Kasulutan Elementary School. Nilalayon din nilang makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga CSO upang maglunsad ng mga inisyatiba para sa mga batang may mga espesyal na pangangailangan.
Nagsanay ang mga guro mula sa TFLF ng 30 student mentors upang tulungan ang kanilang mga kaklase sa pagpapabuti ng kasanayan sa pagbasa at literasiya. “Tinuruan namin ang mga mentor ng Marungko method, isang paraan ng pagkatuto ng pagbasa sa Filipino sa pamamagitan ng pagkilala ng sunod-sunod na tunog mula sa letra ng MARUNGKO, at Fuller method, na nagbibigay-pansin sa praktikal na pagsasanay ng pagbasa at pagsulat sa Ingles,” paliwanag ni Satra.
Ang peer-to-peer na pamamaraan ay nagbigay-sigla sa mga mentor na suportahan ang mga kaklase nilang nahihirapan sa pagbasa. Sa buong proyekto, 72 na bata ang nakatapos ng 12 sesyon ng peer mentoring, na nagresulta sa kahanga-hangang 85% na pagtaas sa kanilang kasanayan sa pagbasa. “Nakita namin mismo kung paano nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang pagbabasa,” pagbabahagi ni Satra tungkol sa positibong epekto ng proyekto.
Kinilala ng paaralan ang kahalagahan ng inisyatiba at nagpasiyang ipagpatuloy ang paggamit ng mga itinurong modules. “Pagkatapos ng proyekto, nagdesisyon ang paaralan na ipagpatuloy ang paggamit ng module dahil nakita nila ang malaking tulong nito sa kanilang mga estudyante,” dagdag pa ni Satra.
Pagpapalawak ng Adbokasiya at Pagpapalakas ng Partisipasyon ng CSO
Bukod sa edukasyon, nakatuon din ang TFLF sa pagpaplakas ng partisipasyon ng CSO at pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang mataguyod ang karapatan ng mga batang may kapansanan.
“Ang pagsasama ng mga CSO sa pamamahala ay hindi lamang tungkulin kundi bahagi ng paglikha ng komunidad na mas inklusibo at tumutugon sa mga pangangailangan,” diin ni Satra.
Nag-organisa sila ng isang Kapehan upang pagsama-samahin ang mga CSO at LGU sa pagtukoy ng mga mahahalagang isyu ng komunidad. Dinaluhan ito ng 30 representate mula sa 10 CSO na nakatuon sa kababaihan, mga bata, katutubong pamayanan, mga magsasaka, at mga nakatatanda. Sama-sama nilang napagdesisyunan na suportahan ang mga batang may espesyal na pangangailangan.
Nagpasiya ang mga kalahok na ilunsad ang isang kampanya sa oryentasyon para sa mga miyembro ukol sa mga bata na may espesyal na pangangailangan. Nangako rin ang LGU na magsasagawa ng mga oryentasyon sa mga piling paaralan at daycare center upang higit pang magbigay ng kamalayan at suporta.
Kasama ang LGU at iba pang CSO, nagsagawa ang TFLF ng oryentasyon para sa mga guro at manggagawa sa mga daycare centers sa 35 na barangay. Nakatuon ito sa pagkilala ng mga senyales at sintomas ng mga batang may espesyal na pangangailangan, kung paano ito tutugunan, at ang epekto nito sa mga bata at kanilang pamilya.
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng kampanya, nagtapos ang proyekto sa pangako ng Gender and Development focal at Local Council for the Protection of Children na ipagpatuloy ng munisipyo ang mga inisyatiba para sa mga batang ito. Sumang-ayon din silang isama ang mga kinatawan ng CSO sa mga local special bodies upang palakasin ang suporta ng komunidad at sa mas inklusibong pamamahala.
Pagpapatuloy ng Nasimulang Landas
Hindi lamang napabuti ng mga inisyatibang ito ang antas ng literasiya kundi nagbigay-daan din sa pagbuo ng aktibong mga mamamayan at pakikiisa sa lokal na pamahalaan. Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga CSO ay naglatag ng pundasyon para sa pagtitiyak na naririnig ang boses ng komunidad, lalo na ang mga pinaka-nangangailangan.
“Ipagpapatuloy namin ang aming adbokasiya tulad ng dati. Dahil sa proyektong ito at sa suportang pinansyal, mas lumakas ang loob naming gumawa pa ng higit para sa aming komunidad at hikayatin ang mas maraming CSO,” pagtatapos ni Satra.