Pagsalba ng Industriya ng Seaweed sa Pilipinas
Inilathala: Set 20, 2024 Oras ng pagbabasa: 4 minutoMga 'taong-dagat'. Ganito tawagin ang mga Sama Badjau, isang pangkat-etniko mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi sa Pilipinas. Nakatira sila sa mga bahay na nakatayo sa mga poste sa ibabaw ng tubig at sanay sa pamumuhay sa dagat. Gamit ang kakayahang huminga nang matagal sa ilalim ng tubig, ang kanilang pangunahing kabuhayan ay pangingisda at pagtatanim ng seaweed, isang tradisyon na konektado sa ekonomiya ng rehiyon.
“Simula’t sapul, ang aking pamilya ay nag-aalaga na ng seaweed,” pagbabalik-tanaw ni Hudaibiya I. Kenoh, isang residente ng isla. “Bata pa lang ako, tumutulong na ako sa aking ina sa pagtatanim ng seaweed. Tinatali namin ito sa mga lubid. Tinutulungan ko rin siyang magpatuyo nito matapos anihin. Isa itong tradisyon na patuloy naming sinunod hanggang dumating ang pagbagsak ng presyo na naging dahilan kung bakit hindi na namin itong kayang ipagpatuloy.”
Para sa mga taga Tawi-Tawi, ang pagtatanim ng seaweed ay higit pa sa kabuhayan. Isa itong tradisyon at mahalagang bahagi ng kultura. Para sa mga Sama at Tausug, ito ay isang pangkabuhayan ng pamilya na ipinapasa sa bawat henerasyon at bawat kasapi ay may tungkuling ginagampanan. Ang magandang klima at malawak na baybayin ng rehiyon, na may 68,532 na ektarya sa seaweed farming, dagdag pa ang 25,917 potensyal na ektarya para sa seaweeds, ang dahilan kung bakit mahalaga at tinatangkilik ang kabuhayang ito sa isla.
Sa kabila ng kahalagahan nito, maraming hamon ang kinakaharap ng industriya ng seaweed. Ang BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) ang nangunguna sa produksiyon ng seaweed sa Pilipinas, at nag-ambag ang Tawi-Tawi ng 627,070.42 metrikong tonelada o 40.59% ng pambansang produksyon noong 2022 ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Sa kabila ng pagiging “Seaweed Capital of the Philippines” at “Carrageenan Capital of the World,” bumagsak ang presyo ng seaweed ngayong taon mula PHP 100 sa PHP 35 kada kilo nalang, hindi sapat para matustusan ang pataba at gasolina. Bunsod nito, bumagsak ang produksyon ng seaweed sa rehiyon ng 25.8% sa unang bahagi ng 2024, ang pinakamalaking pagbaba sa lahat ng species ng pangisdaan ayon sa Philippine Statistics Authority.
Ayon sa ulat ng World Bank Group noong 2023, isa ang kompetisyon mula sa ibang bansa na may mataas na kalidad ng seaweed ang nagdudulot ng pagbaba ng presyo. Kailangan palakasin ang industriya ng pagtatanim ng seaweed at pagtatag na makabagong paraan sa pagsasaka, mas maayos na kalidad, at mas mahusay na pamamahala ng merkado, lalo na para sa mga produktong pagkain at gamot.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng People in Need Philippines, mababa ang pagsunod ng mga seaweed farmers sa mabuting pamamaraan ng aquaculture, at kulang din ang kanilang teknikal na kaalaman. Ang tradisyunal na paraan ay madalas na hindi epektibo at nakasasama pa sa ekosistema. Dagdag pa rito, ang sakit na “ice-ice” na dulot ng biglaang pagbabago ng init o alat ng tubig ay nagdudulot ng pinsalang aabot sa PHP 1 bilyon.
Upang matugunan ito, ang proyekto ng Leveraging and Expanding Agri-Aqua Production in Bangsamoro (LEAP) ay nagsimula ng mga inisyatiba upang mapataas ang kalidad ng lokal na industriya ng seaweed. Sa pakikipagtulungan sa mga grupo ng mangingisda, magbibigay ng mga coaching, extension services, at nurseries upang mapabuti ang kalidad at dami ng produksyon ng seaweed.
Tututukan din ng proyekto ang pagkakaroon ng halal-certification ng mga pasilidad para sa pagpoproseso ng seaweed, alinsunod sa batas Islamiko, upang masigurong ligtas at malinis ang mga produkto. Magsasama rin ito ng teknolohiyang pang-klima tulad ng solar drying at paggamit ng mga seasonal weather forecasts.
Ang LEAP ay bahagi ng Bangsamoro Agriculture Enterprise Programme na pinondohan ng European Union at ipinatutupad ng People in Need Philippines, Maranao People Development Center Inc., at United Youth of the Philippines-Women.